Lunes, Enero 19, 2015

Bolshevismo 2


Paunang Salita sa Bolshevismo 2

BOLSHEVISMO BILANG DIWA’T 
GABAY NATIN SA PAGKILOS

Bago ang lahat ay ating balikan ang bahagi ng paunang salita sa Bolshevismo 1: "Bakit Bolshevismo? Marahil ito ang tanong ng marami sa atin kung bakit ito ang napiling katawagan sa aklat na ito. Ano nga ba ang Bolshevismo? Mula ito sa salitang "bolshevik" na sa wikang Ruso'y nangangahulugang "mayorya". Lumitaw ang salitang ito sa panahong nagkaroon ng dalawang paksyon sa ikalawang Kongreso ng Partido ng Russian Social Democratic Labour Party (RSDLP) noong 1903. Ang dalawang paksyong ito ay ang Bolshevik (mayorya) na pinamunuan noon ni Lenin, at Menshevik (minorya) na pinamunuan naman ni Julius Martov. Dahil sa pamumuno ng mga Bolshevik ay nagtagumpay ang Rebolusyong 1917. Dito natin hinalaw ang pangalang Bolshevismo ng aklat na ito, na kung babalikan natin ang kasaysayan ay isang ideya ng sama-samang pagkilos ng manggagawa, at isang sistemang nakabatay sa ideya ni Lenin bilang ating gabay sa pagrerebolusyon at pag-oorganisa ng uring manggagawa, na siyang mayorya sa lipunan."

Sa isyung ito ng Bolshevismo, Ikalawang Aklat, may labingwalong akdang marapat lamang na ating ipabasa sa ating kapwa manggagawa, at sa lahat ng aping sektor ng ating lipunan, tulad ng magsasaka, maralita, mangingisda, kababaihan, kabataan, at maging sa mga tambay na reserbang hukbo ng paggawa.

Sa unang isyu ng Bolshevismo, ating isinalin sa wikang Filipino ang talambuhay ng tatlong haligi ng sosyalismo sa daigdig - sina Karl Marx, Friedric Engels, at Vladimir Lenin. Sa isyung ito naman ay minarapat nating ilathala ang tatlong kilalang lider-manggagawa sa kasaysayan ng ating bansa - sina Crisanto Evangelista, Ka Amado V. Hernandez, at Hermenegildo Cruz. Tatlong manggagawa at bayaning naging bahagi ng kilusang paggawa noong bago pa lamang dumatal ang kapitalismo sa Pilipinas.

May pagtalakay din hinggil sa aklat-teoretikal ng magkaibigang Marx at Engels - ito ang Das Kapital ni Karl Marx at ang akdang Anti-Dühring ni Engels. 

May apat na pagsasalin ng mga klasikong akda. Ang isa'y ang unang tatlong kabanata ng akdang “Kaliwang Panig” na Komunismo: Isang Sakit ng Kamusmusan na inakda ni V. I. Lenin. Sa kabanata 3 ay tinalakay dito ang paksang "The Principal Stages in the History of Bolshevism" ang kasaysayan ng Bolshevismo, na hinati niya sa iba’t ibang yugto:

Ang mga taon ng paghahanda para sa rebolusyon (1903-05). Ang pagsapit ng matinding unos ay nararamdaman saanman. 
Ang mga taon ng rebolusyon (1905-07). Lahat ng uri ay nagsipaglantad. 
Ang mga taon ng reaksyon (1907-10). Nagtagumpay ang Tsarismo. 
Ang mga taon ng pagpapanibagong sigla (1910-14). 
Ang Unang Imperyalistang Daigdigang Digmaan (1914-17). 

Sa susunod na isyu o sa Bolshevismo 3 ay itutuloy ang mga susunod pang kabanata ng mahalagang akdang ito ni Lenin.

Nariyan din ang papuri ni V. I. Lenin sa ika-25 anibersaryo ng kamatayan ni Eugène Pottier, isang Pranses na umakda ng awiting Internasyunal. Dahil dito'y dinugtungan ang pagtalakay na ito ni Lenin ng pagtalakay naman ng awiting Internasyunal na may dalawang bersyon sa wikang Filipino.

Mahalagang pagnilayan din natin ang sanaysay ng dalawang batikang lider na sina Crisanto Evangelista at Filemon "Ka Popoy" Lagman upang mas manamnam pa natin kung paano ba mag-isip at magtalakay ang mga magigiting na lider na ito ng paggawa.

Minarapat din nating ilathala ang isang polyeto ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) noong 1994 na nananawagan ng pagkakaisa ng mga manggagawa. Nariyan din ang sinulat ng isang magiting na guro hinggil sa kahalagahan ng guro at ng kanilang paglahok sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Bilang hakbang din sa pagpapalaganap ng sosyalistang panitikan, o masasabi nating panitikang tumatalakay sa buhay at paninindigan ng uring manggagawa, minarapat nating ilathala ang apat na maiikling kwento. Isinalin din natin sa wikang Filipino ang dalawang tula ng mga lider-sosyalista sa ibang panig ng mundo.

Ang inyong pagtangkilik sa aklat na ito ng Bolshevismo ay labis naming pinasasalamatan. Kaya magpapatuloy kami sa pagsusulat at pagsasalin ng mahahalagang sosyalistang akda na nakabatay sa teorya ng Marxismo-Leninismo. 

Sa muli, maraming salamat at mabuhay kayo!

Para sa ikatatagumpay ng uring manggagawa,

Gregorio V. Bituin Jr.
Patnugot ng Bolshevismo 1 at 2, at Tagapamahala ng Aklatang Obrero Publishing Collective
Enero 18, 2015