Sabado, Setyembre 6, 2014

Bolshevismo 1

Paunang Salita sa aklat na Bolshevismo 1

BOLSHEVISMO BILANG DIWA’T GABAY
NG URING MANGGAGAWA

Bakit Bolshevismo? Marahil ito ang tanong ng marami sa atin kung bakit ito ang napiling katawagan sa aklat na ito. Ano nga ba ang Bolshevismo? Mula ito sa salitang "bolshevik" na sa wikang Ruso'y nangangahulugang "mayorya". Lumitaw ang salitang ito sa panahong nagkaroon ng dalawang paksyon sa ikalawang Kongreso ng Partido ng Russian Social Democratic Labour Party (RSDLP) noong 1903. Ang dalawang paksyong ito ay ang Bolshevik (mayorya) na pinamunuan noon ni Lenin, at Menshevik (minorya) na pinamunuan naman ni Julius Martov. Dahil sa pamumuno ng mga Bolshevik ay nagtagumpay ang Rebolusyong 1917. Dito natin hinalaw ang pangalang Bolshevismo ng aklat na ito, na kung babalikan natin ang kasaysayan ay isang ideya ng sama-samang pagkilos ng manggagawa, at isang sistemang nakabatay sa ideya ni Lenin bilang ating gabay sa pagrerebolusyon at pag-oorganisa ng uring manggagawa, na siyang mayorya sa lipunan.

Narito ang ilang depinisyon ng Bolshevismo mula sa iba't ibang diksyunaryo:

Mula sa dictionary.reverso.net, "Bolshevism is the political system and ideas that Lenin and his supporters introduced in Russia after the Russian Revolution of 1917".

Mula sa www.merriam-webster.com, ang Bolshevismo ay "the doctrine or program of the Bolsheviks advocating violent overthrow of capitalism".

Mula sa freedictionary.com, ang Bolshevismo ay "the strategy developed by the Bolsheviks between 1903 and 1917 with a view to seizing state power and establishing a dictatorship of the proletariat".

Mahaba naman ang pagtalakay sa Bolshevismo sa Oxford Dictionary of Politics, na ang unang talata ay ito: "Political theory and practice of the Bolshevik Party which, under Lenin, came to power during the Russian Revolution of October 1917. The Bolshevik (meaning ‘majority’) radical communist faction within the Russian Social Democratic Labour party emerged during the 1903 Party Congress following the split with the more moderate Mensheviks (meaning ‘minority’). After a period of intermittent collaboration and schism with the latter, the Bolshevik Party was formally constituted in 1912."

Ayon naman sa Gale Encyclopedia of Russian History, "Bolshevism may be characterized by strong organization, a commitment to world revolution, and a political practice guided by what Lenin called democratic centralism."

Ayon naman sa Wikipedia, "The Bolsheviks, founded by Vladimir Lenin and Alexander Bogdanov, were by 1905 a major organization consisting primarily of workers under a democratic internal hierarchy governed by the principle of democratic centralism, who considered themselves the leaders of the revolutionary working class of Russia. Their beliefs and practices were often referred to as Bolshevism."

Sa akdang Left-Wing Communism: an Infantile Disorder, tinalakay ni Lenin sa Paksang "The Principal Stages in the History of Bolshevism" ang kasaysayan ng Bolshevismo, na hinati niya sa iba’t ibang yugto:

The years of preparation for revolution (1903-05). The approach of a great storm was sensed everywhere.

The years of revolution (1905-07). All classes came out into the open. 

The years of reaction (1907-10). Tsarism was victorious.

The years of revival (1910-14). 

The First Imperialist World War (1914-17). 

The second revolution in Russia (February to October 1917).

Adhika ng Bolshevismo, Unang Aklat, at ng mga susunod pang serye nito, na ihatid sa malawak na mambabasa, lalo na sa uring manggagawa, ang mga sulatin ng mga rebolusyonaryong tulad nina Marx, Engels at Lenin, na isinalin sa wikang Filipino upang mas madaling maunawaan ng ating mga kababayan ang mga aral ng mga dakilang gurong ito ng rebolusyon. Sa ngayon ay inihahanda na ang Bolshevismo, Ikalawang Aklat.

Nawa ang proyektong pagsasalin na ito'y makapag-ambag sa muling pagbibigay-sigla sa kilusang paggawa, makapagpalalim ng kaalaman at pag-unawa sa mga teorya ng Marxismo-Leninismo, at makatulong sa mga manggagawa sa kanilang pagyakap at pag-unawa sa kanilang mahalagang papel na ginagampanan sa pagbabago ng lipunan. Halina’t sama-sama nating tahakin ang landas ng Bolshevismo! Marami pong salamat! Mabuhay kayo!

GREGORIO V. BITUIN JR.
Setyembre 6, 2014
Sinulat sa ika-68 kaarawan ng aking ina

Huwebes, Agosto 21, 2014

Paunang Salita sa Maso 4

Paunang Salita

TATAGAN ANG PAGTANGAN SA MASO

Matagal nang hindi nakapaglathala ng aklat na MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa. Nalathala ang unang koleksyon noong 2006, ikalawang koleksyon noong 2007, at ikatlong koleksyon noong 2008. Anim na taon ang nakalipas, muli itong nalathala ngayong 2014. Bakit nagtagal nang ganoong panahon bago muling makapaglathala? Maraming salik.

Una, halos kakaunti na lang sa mga manggagawa ang nagsusulat ng panitikan, kaya mahirap silang makumbinsing magpasa ng akda. Marahil din naman, hindi naman ganoong kapopular ang ating aklat na MASO kahit na nakapaglathala na ito ng tatlong koleksyon ng panitikan. Kakaunting bilang ng aklat lamang ang nalalathala dahil na rin pultaym na aktibista ang nagpopondo, na kadalasang kapos din sa pangangailangan.

Ikalawa, hindi ito napagtuunan ng pansin dahil na rin sa bukod sa maraming gawain ay mas inasikaso ang mga blog ng panitikan sa internet, imbes na maglathala.

Ikatlo, nalunod sa bagyong Ondoy ang natitirang kopya ng Maso 1, 2 at 3, at pinatuyo na lamang ang mga iyon kahit hindi na nabubuklat dahil masisira. Pinatuyo at itinago bilang patunay ng nailathalang naunang tatlong isyu, na kung magkakaroon ng panustos na mas maalwan ay ilalathala muli ang tatlong iyon.

Ikaapat, mahirap mag-ipon ng akda ng mga makata't manunulat. Mabuti na lamang at nakumbinsi silang magsulat at naitatabi ko ng maayos ang kanilang mga ipinasang akda.

Mahalaga ang pag-iipon ng mga tula, sanaysay at maikling kwento ng mga aktibista't manggagawang nasa loob mismo ng isang kilusang mapagpalaya at naghahangad ng tunay na pagbabago, sa prinsipyo ng pagpapakatao at pagkakapantay sa lipunan, prinsipyong mawala na ang pagsasamantala ng tao sa tao, at prinsipyong itayo ang isang tunay na lipunang makatao, na iginagalang ang karapatan ng bawat isa, at nabubuhay ng may dangal.

Kaya kailangang magpatuloy. Hindi maaaring hindi malathala ang kanilang ipinasang mga akda. Ang kanilang mga inaambag at isinulat ay malaki nang kontribusyon sa panitikan ng uring manggagawa, hindi lang dito sa bansa, kundi maging sa iba pang panig ng daigdig.

Ang bawat akda’y inipon at pinagtiyagaang i-edit sa mga maling pagtipa sa kompyuter, ngunit hindi halos ginalaw ang buong akda upang kahit papaano’y madama ng mambabasa ang kaseryosohan ng umakda. Nilagay na rin ang petsa sa dulo ng bawat akda upang malaman ng mambabasa kung kailan ba ito nasulat, o naipasa sa inyong lingkod.

Halina't basahin natin at namnamin ang mga sakit at timyas ng panitik ng mga makata't manunulat na naririto. Lasapin natin ang tamis at pait ng kanilang danas, sakripisyo at tuwa. Damhin natin ang higpit ng kanilang panawagang pagkaisahin ang uri bilang malakas na pwersa sa pagbabago. Marahil ay matatagpuan din natin ang ating sarili sa mga sulating ito habang matatag nilang tangan ang maso ng pakikibaka, magtagumpay man sila o mabigo.

Paghandaan na natin ang ikalimang koleksyon ng panitikan - ang MASO 5 - kaya muli tayong kumatha at mag-ipon ng mga panitikang balang araw ay pakikinabangan din ng mga susunod na henerasyon. Mabuhay kayo!

GREGORIO V. BITUIN JR.
Tagatipon at Editor ng MASO 4
Tagapamahala ng Aklatang Obrero Publishing Collective

21 Agosto 2014

Martes, Abril 22, 2014

Paunang Salita sa aklat na Kahoy na Walang Lilim

Paunang Salita sa aklat na Kahoy na Walang Lilim
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ANG KAHOY NA WALANG LILIM 
SA KARTILYA NG KATIPUNAN

“Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag." ~ mula sa Kartilya ng Katipunan

Napakahalaga ng katitikang ito mula sa Kartilya ng Katipunan. Kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag ang buhay na hindi ginamit sa isang marangal at banal na layunin. Naramdaman ko ang kahoy na walang lilim na iyon nang magtungo ako, kasama ang iba pa, sa isang lugar na nasalanta ng Yolanda.

Sumama ako sa paglalakbay patungong Samar at Leyte mula Disyembre 1 hanggang madaling araw ng Disyembre 6, 2013. May dalawang trak at isang van kami na nag-convoy. Kasama ako sa isang trak na tumungo sa barangay ng Canramos, sa bayan ng Tanauan sa lalawigan ng Leyte. Habang ang isang trak naman ay sa isa pang bayan sa Leyte. Sumabay sila sa amin sa Canramos bago tumulak kinabukasan patungo sa bayan ng Abuyog na siyang bayan din ng dalawang estudyante ng UP na kasama namin at gumiya sa trak paroon. Ang van ay nagtungo naman sa Guiuan sa lalawigan ng Samar, na dumaan din sa bayan ng Borongan upang dalhin ang dala naming generator na binili sa Quiapo.

Isa akong aktibista, na layunin sa buhay ay makibaka at tumulong sa aking kapwa tungo sa pagbabago at pagkakapantay sa lipunan. Ito ang dahilan kung bakit napadpad ako sa mga grupong tulad ng KAMALAYAN o Kalipunan ng Malayang Kabataan, Sanlakas, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Zone One Tondo Organization (ZOTO), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Saniblakas ng Inang Kalikasan (SALIKA), Partido Lakas ng Masa (PLM), at sa kasalukuyan ay sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Kasapi rin ako ng Kamalaysayan  (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan, na dating Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan) na nagtataguyod ng Kartilya ng Katipunan.

Dalawang dekada nang kumikilos mula sa kilusang makabayan tungo sa kilusang sosyalista. Nasa tanggapan ako ng PLM nang maranasan ang matinding bagyong Ondoy na nagpalubog ng buong Kamaynilaan sa baha sa loob ng anim na oras noong Setyembre 26, 2009. Hanggang sa maganap ang pinakamtinding bagyo sa kasaysayan, ang Yolanda (na Haiyan ang internasyunal na pangalan), noong Nobyembre 8, 2013. Dahil dito'y boluntaryo akong sumama sa People's Caravan patungo sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Ang People’s Caravan ay pinangunahan ng mga kasapi ng Partido Lakas ng Masa (PLM), Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Timog Katagalugan (BMP-ST), at SuporTado Movement.

Nakarating kami sakay ng trak sa St. Vincent Ferrer Parish sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte noong Disyembre 3, 2013. Sinalubong kami ng kura parokong si Fr. Joel, at nagtulong kami ng mga mamamayan doon sa pagbaba ng mga kargamentong relief goods mula sa trak.

Magkahalong pananabik at panlulumo ang aking dinatnan doon. Pananabik dahil sa unang pagkakataon ay nakarating ako ng lalawigan ng Samar at Leyte. Panlulumo dahil dinatnan namin ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga kababayan nating nasalanta ng superbagyong Yolanda.

Naikwento naman ni Fr. Joel ang tungkol sa isa niyang sakristan na umalis na sa lugar. Ayon sa kanya, noong kasagsagan ng bagyo, akala ng sakristan na hawak na nito ang kamay ng kanyang kapatid upang di matangay ng rumagasang baha, ngunit ibang tao pala ang kanyang nasagip. Wala ang kanyang kapatid at ilang araw pa bago natagpuan ang labi nito sa isang malayong lugar.

Naglibot ako at nakita ako ni Ka Rene na dati kong kakilala noon pang 1998 sa pakikibaka laban sa demolisyon sa kanilang lugar sa Taguig. Nakilala agad niya ako at sinabi niyang "Di ba, taga-Sanlakas ka?" Na sinagot ko naman agad ng "Oo." Dugtong niya, "Natatandaan mo pa ba ako? Dati akong taga-Fomcres, kasama nina Dacuno." Sagot ko naman ay "Oo, pamilyar nga sa akin ang mukha mo." Napakaliit ng mundo.

Naikwento niya ang masakit na pangyayari noong panahon ng Yolanda. Nang humupa ang bagyo at bumaba na ang tubig ay natagpuan na lamang na nakasabit sa isang mataas na puno ang kanyang ina, wala nang buhay.

Tapos noon ay sinabi ko kay Fr. Joel ang tungkol kay Ka Rene. Inakyat naman namin nina Ka Rene ang kampanaryo upang makita ang buong paligid. Naglibot din kami ni Ka Rene sa palibot ng barangay hanggang sa plasa, kung saan nakita ko ang maraming body bags, mga nawalan ng bubong na eskwelahan at mga tanggapan, habang tangan ko ang aking kamera at kumuha ng mga litrato.

Mainit ang panahon ng aming paglilibot. Dapat na nakasumbrero ka o kaya'y nakapayong dahil walang punungkahoy na may lilim. Habang nagmumuni doon ay naalala ko ang unang taludtod na nakatitik sa Kartilya ng Katipunan, na tulad ng nakikita ko nang panahong iyon. Kahoy na walang lilim. Ang pambungad na aral ng Kartilya ng Katipunan ay "“Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag."

Aktibista ako, makakalikasan, at nais kong gugulin ang aking buhay hindi tulad ng isang kahoy na walang lilim. Tulad din ng ibang may marangal na layunin sa buhay, hindi natin dapat sayangin ang ating panahon sa mga walang kabuluhang bagay. Nais kong gugulin ang aktibismo upang maiahon ang bayan sa kahirapang dulot ng pribadong pagmamay-ari ng iilan sa mga kasangkapan sa produksyon. Dapat tayong maging isang punong magbibigay lilim sa ating kapwang naiinitan ng karukhaang kanilang dinaranas.

Ang kahoy na may lilim ay magbubunga ng matatamis na prutas pagkat minahal at inalagaang mabuti. Tulad ng isang matatag na punongkahoy, pag tayo ay nawalay sa uring manggagawa ay para tayong mga sangang nawalay sa puno. Dapat pala tayong maging sanga ng punong nagbibigay ng lilim sa ating kapwa.

Napakahalaga ng Kartilya ng Katipunan bilang bahagi ng ating pakikibaka para sa isang maayos na kapaligiran at magandang kalikasan. Kaya halina’t isapuso ang Kartilya ng Katipunan at huwag maging kahoy na walang lilim.

Umalis kami sa Leyte nang may panibagong pag-asang lalong nagpainit sa pagkilos upang makamit ang lipunan at kalikasang inaasam.

Abril 22, 2014
Sampaloc, Maynila