Lunes, Disyembre 9, 2013

Paunang Salita sa aklat na SAGAD SA BUTO


Paunang Salita

PAG SAGAD NA SA BUTO, ANONG DAPAT GAWIN?

Laksa-laksa ang mga api sa lipunan, habang may iilang nagtatamasa sa yaman ng lipunan. Sagad na sa buto, ngunit hindi sagot ang paghihimutok lamang. Hindi sapat ang magalit lamang tayo ngunit wala tayong pagkilos na gingagawa at hindi pa tayo nanawagan ng pagkakaisa ng kapwa api. Sagad na sa buto kaya kinakailangan ang nararapat na pagkilos upang lutasin ang suliraning yumayanig sa buong pagkatao.

Sagad na sa buto ang kaalipinan ng mga itim kaya sila kumilos. Sagad na sa buto ang kawalanghiyaan ng mga kapitalista sa mga manggagawa. Sagad na sa buto ang mga ganid at sakim sa salapi at kapangyarihan. Sagad na sa buto ang pangungurakot ng mga pulitiko sa kaban ng bayan.

Sagad na sa buto. Inuuk-ok na ang ating kaibuturan ng kabulukan ng sistema ng lipunan. Hindi na tayo dapat magbulag-bulagan sa ating mga nararanasang dusa. Hindi tayo dapat maging bingi sa daing ng kapwa api. Hindi tayo dapat maging pipi kundi ihiyaw natin na sobra na, tama na, at dapat palitan na ang lipunang yumuyurak ng dangal ng ating kapwa. Oo, sagad na sa buto. Ibig sabihin, pag puno na ang salop, dapat nang kalusin. Pag sagad na sa buto, dapat nang lumaban! Suriin at pag-aralan ang lipunan, at kumilos para sa pagbabago! Karapatan ng sinumang api ang maghimagsik!

Ibig ding sabihin, dahil ang kabulukan ng sistema’y hene-henerasyon nang nagaganap, dapat nang magkaroon ng malawakang pagbabago, dapat nang mag-aklas ang mga api upang ibagsak ang uring mapang-api at tuluyang magbago ang kanilang kalagayan. Hindi na dapat manahin pa ng mga susunod na henerasyon ang mga kaapihang dinanas ng kanilang mga ninuno mula sa kamay ng mga mapang-aping uri. Panahon nang mag-aklas. Panahon na ng pagbabago, Panahon na ng rebolusyon. Maghimagsik laban sa mga mapagsamantala.

Ang mga tulang naririto'y paglalarawan kung bakit lumalaban ang mga api, at kung bakit dapat pangarapin ng mga api ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Nawa'y makatulong ang mga tulang naririto, kahit bahagya man, sa pagkamulat ng marami nating kababayang dapat nang humulagpos sa tanikala ng pagkaapi at kahirapan.

GREGORIO V.  BITUIN JR.
Sampaloc, Maynila
Disyembre 9, 2013

Miyerkules, Oktubre 2, 2013

Paunang Salita sa aklat na Bonifacio 150

Paunang Salita
ni Gregorio V. Bituin Jr.

BONIFACIO 150

Ani Gat Andres Bonifacio, "Dapat naman ninyong mabatid na ang kadahilanan ng ating paggugugol ng lalong mahalaga sa loob at sampu ng ingat na buhay ay nang upang tamuhin at kamtan yaong nilalayong Kalayaan ng ating Bayang tinubuan na siyang magbibigay ng buong kaginhawahan at magbabangon ng ating kapurihan na inilugmok ng kaalipinan sa hukay ng kadustaang walang makatulad." (mula sa ikaapat na talata ng kanyang maikling akdang Mararahas na mga Anak ng Bayan)

Ang mga akda, sakripisyo, buhay, at karanasan ni Gat Andres Bonifacio ay mga aral na dapat nating balikan bilang pagpupugay sa kasaysayan at dangal ng bayan. At sa pagdatal ng ika-150 kaarawan ni Bonifacio sa Nobyembre 30, 2013, ay ating gunitain at ipagdiwang ang pagkakaroon ng isang Andres Bonifacio sa kasaysayan.

Mga kapatid, ang kasalukuyang panahon ay hindi naiiba sa panahon nina Bonifacio. Bagamat maraming nagbago dahil sa teknolohiya ay wala pa rin talagang nagbago, pagkat nagpapatuloy pa rin ang kahirapan, kagutuman, at kaalipinan.

Kaya kinakailangan pa rin nating kumilos at huwag manahimik na lang sa nakikita nating kaaba-abang kalagayan ng ating mga kababayan at laganap na katiwalian at pagsasamantala sa ating lipunan.

Sinikap ng inyong lingkod na sulatin at tipunin ang mga akdang ito bilang handog sa ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio. Ang kanyang halimbawa ay ating balikan at pag-aralan, at gawin nating inspirasyon ang kanyang kabayanihan tungo sa paglilingkod sa kapwa at sa pagpapalaya at pagtatamo ng ginhawa ng mga naninirahan sa bansang itong tangi nating lupang tinubuan.

Mabuhay ang ika-150 kaarawan ng Supremo! Mabuhay si Gat Andres Bonifacio!

Oktubre 2, 2013

Sampaloc, Maynila

Lunes, Agosto 26, 2013

Liham - for solidarity message sa BMP 20th anniversary

AKLATANG OBRERO PUBLISHING COLLECTIVE
aklatangobrero@gmail.com


Agosto 25, 2013

_____________________
_____________________
_____________________


Mga kapatid, kasama, at kaibigan,

Isang maalab na pagbati!

Dalawang dekada na ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa Setyembre 14, 2013. Magmula nang umalis ang BMP sa kilusang makabayan upang pangunahan ang kilusang sosyalista noong 1993, ang BMP ang tumayong socialist political center ng iba't ibang samahang manggagawa sa bansa. Dumaan ito sa maraming pagsubok, tila ito gintong dumaan sa dingas ng apoy upang lalo pang tumingkad ang kagintuan sa prinsipyo at sa larangan ng pakikibaka. Hindi nito tinangkang tiktikin lang ang kalawang sa tanikala at itubog sa ginto upang maging magandang tanikala. Mas ninanais ng BMP na lagutin ang tanikala, ito man ay ginto, upang lumaya ang uring manggagawa mula sa bulok na sistema at itayo ang isang lipunang tunay na makatao at walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Dalawampung taon ng pakikibaka na haharap sa panibagong pagsubok, panibagong hamon ng pagpapalakas tungo sa pagsasakatuparan ng mga adhikain at pangarap para sa uring manggagawa. Dalawang dekada ng iba't ibang karanasan. Dalawang dekada ng pagtataguyod ng sosyalistang adhikain.

Ang inyong organisasyon at ang BMP ay matagal na ring magkatuwang sa maraming aktibidad, karanasan at pakikibaka upang itaguyod ang karapatan at kagalingan ng manggagawa at iba pang sektor ng lipunan. Dahil dito, kami po ay humihingi sa inyo ng nakasulat na mensahe ng pakikiisa o written solidarity message mula sa inyong organisasyon upang mabasa sa mismong araw ng anibersaryo ng BMP. Ito po'y may pagsang-ayon na ni Ka Leody de Guzman, pangulo ng BMP 

Dagdag pa rito, ang inyong mensahe ng pakikiisa ay mailalagay po sa aklat na "BMP: Dalawang dekada" na ilalathala ng Aklatang Obrero Publishing Collective, bukod pa sa ito'y mailalagay din sa blog ng BMP na http://bukluranngmanggagawangpilipino.blogspot.com/ kung saan ang inyong lingkod na nakalagda sa ibaba ang nangangasiwa sa nasabing blog at ginagawang aklat. Nawa'y maipadala po ninyo ang inyong solidarity message sa aklatangobrero@gmail.com bago o hanggang sa Setyembre 10, 2013, araw ng Martes. 

Maraming salamat po. Mabuhay kayo!

Gumagalang at umaasa,


GREGORIO V. BITUIN JR.
Tagapangasiwa, Aklatang Obrero Publishing Collective
KPML writer, BMP volunteer