Miyerkules, Marso 5, 2008

Saligang Aralin sa Marxismo

PAUNANG SALITA
mula sa tagapaglathala

PAG-ARALAN NATIN 
ANG MARXISMO

Hindi lang milyon, marahil ay bilyong katao na, mula pa ng sinauna, ang nangarap ng isang lipunang lahat ay kumakain ng tama, lahat ay nagtatamasa ng pantay na karapatan, may sapat na tirahan, may trabahong nakabubuhay ng pamilya, walang pang-aapi ni pagsasamantala. Di na mabilang ang nangarap na wala nang kasakiman at pagsasamantala sa lipunan, wala nang nanghahalungkat ng pagkain sa basurahan, wala nang krimen laban sa pag-aari at tao, wala nang nakatira sa kariton, kundi lahat ay nabubuhay ng may dignidad bilang tao, nakikipagkapwa-tao at nagpapakatao.

Ang pangarap na iyon ay hindi pa nagaganap. Kailangan pa itong ipaglaban. At sa paglaban sa mga kaapihang dinaranas ng mamamayan, kailangan ng taumbayan ng armas. Armas na kanyang magagamit sa pagsusulong ng kanyang pangarap na lipunan at pagsasakatuparan nito. Ang armas na ito’y ang Marxismo. Ang Marxismo ang kaisipang mapagpalaya na batay sa mga sinulat ng mga dakilang taong nabuhay sa mundo – sina Karl Marx at Friedrich Engels. Ang Saligang Aralin sa Marxismo ay gabay ng bawat tao, lalo na ng uring manggagawa, tungo sa kanilang mapagpalayang papel upang wasakin ang pagsasamantala sa lipunan at maitayo ang isang lipunang gumagalang sa dignidad ng bawat tao. Ang uring manggagawa na mayorya sa lipunan ang siyang may napakahalagang papel sa pagbabago ng lipunan sa pamamagitan ng pagtahak sa landas ng uri – ang landas patungong sosyalistang rebolusyon at pagtatayo ng sariling gobyerno ng manggagawa. 

Ang Marxismo’y dapat basahin, unawain, pag-aralan, talakayin, at ibahagi ng bawat manggagawa, maralita, kabataan, estudyante, at iba pang sektor ng lipunan. Panahon nang malaman ng taumbayan saan mang sulok ng Pilipinas ang diwang mapagpalaya ng uring manggagawa, sa gabay ng kaisipang Marxista, upang tuluyang gibain ang mga salik na nagdulot ng kahirapan, kawalang katarungan at hindi pagkakapantay-pantay ng kalagayan ng mga tao sa lipunan. Matagal nang panahon na hinihingi ng kasaysayan ng bayang tinubuan na mawasak ang dahilan ng lalo’t lalong kahirapan, lalo’t lalong kaapihang dinaranas ng ating mga kababayan, dahil sa lintik na relasyon ng pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang dahilan ng mga kahirapang ito. Panahon nang yakapin ng mga manggagawa ang kaisipang Marxismo, at huwag lamang makupot sa kaisipang unyonismo, kundi tahakin na nila ang landas ng pagbabago tungo sa diktadurya ng uring manggagawa, hanggang maitayo ng proletaryado ang sarili nilang pamahalaan. Panahon na upang patunayan ng uring manggagawa ang kanyang papel bilang hukbong mapagpalaya.

 Gregorio V. Bituin Jr.
Enero 5, 2008
Sampaloc, Maynila