Lunes, Disyembre 1, 2008

Tibak 1

Paunang Salita
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Editor at Tagapangasiwa ng Buong Aklat

HALINA'T ITANIM ANG BINHI NG AKTIBISMO
SA PUSO'T DIWA NG BAWAT ISA

May aktibista dahil may kawalang katarungan. Tutunganga na lang ba tayo kahit inaapi na ang ating mga kababayan at kapatid? O tayo'y kikilos upang sila'y sagipin? Patuloy ang teroristang demolisyon ng tahanan ng mga maralita, patuloy ang mababang pasahod sa mga gumagawa ng yaman ng kapitalista, patuloy ang pagtataboy sa mga vendors na naghahanapbuhay ng marangal, patuloy na nabibilad sa sikat ng araw ang mga napakasisipag na magsasaka ngunit kapos pa rin sa pangangailangan ang kanyang pamilya, patuloy ang pagtataas ng matrikula taun-taon gayong karapatan at hindi negosyo ang edukasyon, patuloy ang pagtaas ng presyo ng gamot at nagpapagamot gayong karapatan ng bawat isa ang kalusugan, dumarami ang mga batang manggagawang dapat ay nasa paaralan habang walang makitang trabaho ang maraming nasa gulang na, at iba pa.

May aktibista dahil may pangangailangang tugunan ang iba't ibang kinakaharap na problema ng mga manggagawa, maralita, kababaihan, kabataan, magsasaka, maliliit na manininda, magniniyog, magtutubo, mangingisda, lumad, at iba pang aping sektor ng ating lipunan.

May aktibista dahil may nagsuri na mali ang sistemang kasalukuyan nating ginagalawan, na mali na may naghaharing iilan habang naghihirap ang higit na nakararami, na mali na umiiral ang kalagayang may mahirap at may mayaman. May aktibista dahil may naniniwalang dapat ipaglaban ang lahat ng ating karapatan, at ang karapatan ay hindi dapat gawing negosyo ng pamahalaan at ng mga kapitalista, tulad ng ating karapatan sa pabahay, pagkain, trabaho, kalusugan, at marami pang karapatang dapat kilalanin at igalang. May aktibista dahil nagdurugo ang ating puso kapag nakikita at nalalaman nating may naaapi at napagsasamantalahan. Hindi natin kayang manahimik at magbingi-bingihan sa bawat hikbi ng ating kapwa mahihirap.

May aktibista dahil may nagresponde sa panawagang kumilos laban sa gobyernong puno ng kurakot, laban sa pamahalaan ng katiwalian, laban sa sistemang mapagsamantala, laban sa mga taong sariling interes lamang ang nais manaig imbes na interes ng higit na nakararami.

May aktibista dahil patuloy na nabubuhay sa kadiliman ang ating bayan. Tungkulin ng bawat aktibistang akayin sa liwanag ang bawat nasa dilim. May aktibista dahil may taong prinsipyado, may makatarungang prinsipyong tinatanganan at ayaw pabayaan sa dilim ang kanyang kapwa. Prinsipyo niya'y makatao at internasyunalismo.

May aktibista dahil naniniwala siyang makakamit lamang ang kapayapaan sa daigdig kung makakamit ang hustisyang panlipunan para sa lahat.

May aktibista dahil hindi siya pasibo o tuod, kundi taong may pakialam sa kanyang kapwa tao. May aktibista dahil naniniwala siya sa pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, at ito'y ninanais niyang umiral sa bawat isa. May aktibista dahil mapagmahal siya sa kalikasan, at ayaw niyang mawasak ang mundong ito ng mga armas-nukleyar at mapamuksang elemento sa daigdig. May aktibista hangga't patuloy na umiiral ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika, hilaw na materyales, at lupa. Naniniwala siya at nakikibaka upang tiyaking maging pag-aari ng lipunan ang mga kasangkapan sa produksyon para sa kapakanan ng lahat, at di ng kakarampot na elitista lamang. May aktibista dahil may patuloy na mangangarap, kahit yaong mga di pa isinisilang ngayon, ng isang lipunang makatao, isang lipunang hindi pinaghaharian ng kapital, isang lipunang may pagkakapantay-pantay, isang lipunang walang uri.

Kung walang aktibista, lagi tayong nasa dilim, at patuloy tayong inaakay ng mga naghaharing uri sa kumunoy ng kahirapan. Patuloy pa ang kadiliman. Nananatiling sakbibi ng lumbay at dusa ang mga gumagawa ng yaman habang nagpapasasa sa yaman ng lipunan ang mga naghaharing iilan. May aktibista dahil naririto tayo. Aktibo, hindi pasibo. May pakialam sa mga nangyayari sa ating kapaligiran, sa ating pamayanan, sa ating bayan, sa lipunang ating ginagalawan.

Yaong mga tumutuligsa sa mga aktibista ay yaong mga naghaharing uri at mga elitistang ayaw itama ang kanilang mga pagkakamali sa kanilang kapwa. Yaong mga ayaw sa mga aktibista ay yaong mga gustong magkamal ng mas malalaking tubo at magpasasa sa pinaghirapan ng iba. Yaong mga tumutuligsa sa mga aktibista'y mga manhid sa hikbi ng masa, o kaya nama'y yaong ligaya na nilang mang-api ng kapwa. Dapat pang hilumin ang mga sugat na nalikha sa kaibuturan ng puso't diwa ng mga mahihirap, mga sugat na likha ng mga elitistang yumuyurak sa kanilang dangal at pagkatao, mga sugat na likha ng mapag-imbot na kapitalistang sistema, mga sugat na kung maghilom man ay mag-iiwan pa rin ng pilat ng nakaraan.

Mga kapwa aktibista, di tayo dapat tumigil hangga't di nagwawagi. Marami pang suliraning dapat tugunan. Ang mga karapatan ay dapat tamasahin ng lahat at di negosyo ng iilan. Patuloy pa ang kurakutan sa kabangyaman ng bayan. Kailangan pa ng mga aktibista para sa pagbabago.

Ang aklat na ito na katipunan ng mga akdang aktibista ay pagtalima sa pangangailangang tipunin ang iba't ibang akdang naglalarawan ng buhay at pakikibaka ng mga tibak (aktibista). Nawa'y makapagbigay ito ng liwanag sa mga pusong inaagiw na sa pag-iimbot, mga matang mapangmata sa maliliit, sa mga tengang laging nagtetengang kawali sa mga daing ng maralita, sa mga nangangakong laging pinapako ang kanilang sumpa pag naupo na sa poder, sa mga walang awa.

Hindi namin aasahang magustuhan nyo ang mga akdang naririto, ngunit pag iyong binasa'y tiyak na inyong malalasahan sa kaibuturan ng inyong puso't isipan ang mga mapagpalayang adhikaing nakaukit sa bawat akda.

Halina't itanim natin ang binhi ng aktibismo sa bawat isa.

Linggo, Nobyembre 9, 2008

Tula.45

Pambungad

PAG KINALABIT ANG GATILYO NG DIWA
TUMATAGOS ANG PUNGLO SA TULA

Marahil maraming magtatanong kung bakit pinamagatan ko itong Tula.45, na para daw itinulad ko sa isang uri ng baril ang tula.

Tama sila. Nang malikha ko ang isang tulang ikinumpara ko ang tula sa isang uri ng baril, ang naisipan kong baril ay ang Kalibre.45 na kadalasang ginagamit ng national artist at popular na aktor na si Fernando Poe Jr. sa kanyang mga pelikula.

Palagay ko, napakagandang metaphor ng baril sa tula, na habang pinapanood ko ang ilang pelikula ni FPJ, kadalasan itong tungkol sa poetic justice.

Ang poetic justice, o matulaing katarungan (sarili kong salin), ayon sa ilang intelektwal, ay isang gamit sa panitikan na ang katangian ay nagbibigay ng gantimpala sa mga mabubuti at nagpaparusa naman sa masasama. Ayon naman kay Aristotle, sa kanyang akdang Poetics, ang pangangailangan para sa matulaing katarungan ay ipinakita  rin sa gawa ng mga manunulat ng unang panahon na sina Horace, Plutarch at Quintilian. Marami ring halimbawang makikita sa Banal na Komedya ni Dante, sa mga dula ni Shakespeare, sa Florante at Laura ni Balagtas, at sa marami pang nobela, tula, dula, kwento, epiko, at iba pang likhang pampanitikan.

Ngunit ang mga makatang tulad ko ay di lang daw poetic justice, sabi ng isa kong kaibigan. Ang dapat daw, poets just-tiis, dahil lagi na lang daw kaming nagtitiis. Laging walang pera, di sapat ang kinakain kaya namamayat, naghihirap, at wala naman daw pera sa paggawa ng tula. Hindi ito manenegosyo.

Sa ganang akin, totoong pulos tiis nga ako, ngunit nakadarama naman ako ng kasiyahan kapag nakaliliha ng tula. Katunayan, parang itinuring ko na rin itong bisyo. Kung iyong iba ay pagyoyosi o pagbabarik ang kanilang bisyo, ako naman, paghabi ng mga salita. 

Naniniwala kasi akong wala pang tatlumpu ang letrang aking magagamit, ngunit parang madyik na marami itong kumbinasyon, nakikipag-usap sa diwa ng kapwa, nakapagpapasaya o kaya'y nakapagpapalungkot ng puso, at nakapagbibigay din ng inspirasyon habang binabasa ang tula. Habang kinakalabit ko ang gatilyo ng aking diwa habang nakatulala o kaya'y masaya o kaya'y habang nag-iinom ng serbesa o kaya'y habang hawak ang plakard sa rali, tumatagos ang punglo ng aking diwa sa pluma at papel na tangan upang makalikha.

Karamihan ng mga tulang narito ay may tugma at sukat, bagamat meron ding malayang taludturan. Mas magandang pagkumbinahin ang mga letra sa tugma at sukat, kaysa malayang taludturan.

Halos lahat ng mga tulang narito’y nalathala sa pahayagang Obrero, at sa publikasyong Taliba ng Maralita.

Hindi ko aasahang magustuhan ninyo ang aking mga tula, ngunit inaasahan kong manamnam ninyo sa kaibuturan ng inyong puso't diwa ang sinasaad ng bawat likha.

Kung may komento kayo o mungkahi, mangyaring sabihan naman ninyo ako. 

Maraming salamat sa inyong pagtangkilik.

Gregorio V. Bituin Jr.
Sampaloc, Maynila
Nobyembre 7, 2008

Biyernes, Nobyembre 7, 2008

Maso 3

Soneto at Paunang Salita
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Editor at Tagapangasiwa ng Buong Aklat

bawat titik sa plumang tangan ng manggagawa
ay diwang dumaloy sa nagbabagang adhika
na baguhin gamit ang mapagpalayang katha
ang sistemang yumurak sa dangal ng paggawa
dito sa aklat na MASO'y nagkatipong pawa
yaong katha nilang may sugat na iniinda
na ang sigaw ay tigpasin na ang tanikala.

habang nagnanaknak ang mga kathang narito
ay humihibik ang mapagpalayang obrero
tayo’y magkaisa sa hangad na pagbabago
bawat taludtod ng tula, bawat artikulo
ay may tapat na hangarin tungong sosyalismo
nawa’y magsilbing pag-asa't inspirasyon ito
sa inyo, sa masa, at sa lahat ng obrero. 

Taon-taon ay naging adhika na nating magtipon at maglathala ng mga sulatin ng manggagawa upang mapreserba sa mga titik, taludtod, saknong, pangungusap at talata ang kanilang mga saloobin hinggil sa kasalukuyang nagaganap sa uring manggagawa, kasabay ng hangaring pagbabago ng bulok na sistemang dahilan ng kahirapan at pagkabusabos ng higit na nakararami at pagyaman na iilang kapitalista’t elitista.

Ang tagumpay ng paglalathala at pagtangkilik ng manggagawa ‘t aktibista sa MASO: Panitikan ng Uring Manggagawa, Una at Ikalawang Aklat ay isang patunay ng sigasig ng mga manunulat sa kilusang mapagpalaya na ipakita nila ang kanilang kakayahan, pati na ang kanilang diwang punumpuno ng hangaring baguhin ang lipunan. Maksaysayan ang pagpapatuloy ng Ikatlong Aklat pagkat kasama rito ang maksaysayang sulatin ng mga bayaning manggagawang sina Crisanto Evangelista, salin ng akda ni Vladimir Ilyich Lenin, at nahalungkat na akda ng mahigit 90 gulang na rebolusyonaryong lider-magsasaka't manggagawa na si Ka Kikoy Baltazar.

Karapat-dapat lamang malathala ang mga ito at mabasa ng higit na nakararami.  Ito’y mga testamento ng kanilang pagiging malikhain at mapanuri sa lipunang ginagalawan. Ito ang kanilang pamana.

Hindi namin aasahang magustuhan nyo ang mga akdang naririto.  Gayunman, inaasahan naming nanamnamin ninyo sa kaibuturan ng inyong puso’t isipan ang mga katotohanang inilalarawan ng bawat akda at maibahagi rin ito sa iba. Maraming salamat.

Nobyembre 7, 2008

Miyerkules, Marso 5, 2008

Saligang Aralin sa Marxismo

PAUNANG SALITA
mula sa tagapaglathala

PAG-ARALAN NATIN 
ANG MARXISMO

Hindi lang milyon, marahil ay bilyong katao na, mula pa ng sinauna, ang nangarap ng isang lipunang lahat ay kumakain ng tama, lahat ay nagtatamasa ng pantay na karapatan, may sapat na tirahan, may trabahong nakabubuhay ng pamilya, walang pang-aapi ni pagsasamantala. Di na mabilang ang nangarap na wala nang kasakiman at pagsasamantala sa lipunan, wala nang nanghahalungkat ng pagkain sa basurahan, wala nang krimen laban sa pag-aari at tao, wala nang nakatira sa kariton, kundi lahat ay nabubuhay ng may dignidad bilang tao, nakikipagkapwa-tao at nagpapakatao.

Ang pangarap na iyon ay hindi pa nagaganap. Kailangan pa itong ipaglaban. At sa paglaban sa mga kaapihang dinaranas ng mamamayan, kailangan ng taumbayan ng armas. Armas na kanyang magagamit sa pagsusulong ng kanyang pangarap na lipunan at pagsasakatuparan nito. Ang armas na ito’y ang Marxismo. Ang Marxismo ang kaisipang mapagpalaya na batay sa mga sinulat ng mga dakilang taong nabuhay sa mundo – sina Karl Marx at Friedrich Engels. Ang Saligang Aralin sa Marxismo ay gabay ng bawat tao, lalo na ng uring manggagawa, tungo sa kanilang mapagpalayang papel upang wasakin ang pagsasamantala sa lipunan at maitayo ang isang lipunang gumagalang sa dignidad ng bawat tao. Ang uring manggagawa na mayorya sa lipunan ang siyang may napakahalagang papel sa pagbabago ng lipunan sa pamamagitan ng pagtahak sa landas ng uri – ang landas patungong sosyalistang rebolusyon at pagtatayo ng sariling gobyerno ng manggagawa. 

Ang Marxismo’y dapat basahin, unawain, pag-aralan, talakayin, at ibahagi ng bawat manggagawa, maralita, kabataan, estudyante, at iba pang sektor ng lipunan. Panahon nang malaman ng taumbayan saan mang sulok ng Pilipinas ang diwang mapagpalaya ng uring manggagawa, sa gabay ng kaisipang Marxista, upang tuluyang gibain ang mga salik na nagdulot ng kahirapan, kawalang katarungan at hindi pagkakapantay-pantay ng kalagayan ng mga tao sa lipunan. Matagal nang panahon na hinihingi ng kasaysayan ng bayang tinubuan na mawasak ang dahilan ng lalo’t lalong kahirapan, lalo’t lalong kaapihang dinaranas ng ating mga kababayan, dahil sa lintik na relasyon ng pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang dahilan ng mga kahirapang ito. Panahon nang yakapin ng mga manggagawa ang kaisipang Marxismo, at huwag lamang makupot sa kaisipang unyonismo, kundi tahakin na nila ang landas ng pagbabago tungo sa diktadurya ng uring manggagawa, hanggang maitayo ng proletaryado ang sarili nilang pamahalaan. Panahon na upang patunayan ng uring manggagawa ang kanyang papel bilang hukbong mapagpalaya.

 Gregorio V. Bituin Jr.
Enero 5, 2008
Sampaloc, Maynila