Huwebes, Disyembre 6, 2007

Maso 2

Soneto at Paunang Salita
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Editor at Tagapangasiwa ng Buong Aklat

O, mga kaibigan, kasamang manggagawa,
Ang ikalawang aklat ng MASO’y narito na.
Katipunan ito ng mapagpalayang katha
Na pawang likha ng manggagawa’t aktibista
Na aming tinipon at dito’y inilathala.
Ito’y mga sulating pinagsikapan nila
Pinaghusay upang ihandog sa manggagawa.

Masasalamin sa mga akda ang adhika
Na tuluyang baguhin ang bulok na sistema
Upang itong bayan ay tuluyang mapalaya
Sa kuko ng mga buhong na kapitalista
At maitayo ang gobyerno ng manggagawa.
Sa MASO’y maraming aral tayong makukuha
Halina’t basahin ang kanilang mga akda.

Ang tagumpay ng paglalathala at pagtangkilik ng manggagawa ‘t aktibista sa MASO: Panitikan ng Uring Manggagawa, Unang Aklat ay isang patunay ng sigasig ng mga manunulat sa kilusang mapagpalaya na ipakita nila ang kanilang kakayahan, pati na ang kanilang diwang punumpuno ng hangaring baguhin ang lipunan. Ang Ikalawang Aklat naman ay pagpapatuloy ng nasimulang pagtitipon taun-taon ng mga akdang likha ng mga manggagawa, maralita, kababaihan, kabataan, magsasaka, at iba pang sektor sa ating lipunan.

Ang bawat akda ay sadyang pinagbuhusan ng panahon at isip ng mga mangangatha. Dito’y ipinahayag at inilarawan nila sa sariling likhang mga tula, sanaysay, awit at maikling kwento ang kabulukan ng sistema ng lipunan, ang kalagayan ng mga api, ang kanilang adhikaing pagbabago, maging kanilang personal na hinanakit sa sistema ng lipunan, mga pangarap, pati na pag-ibig at pakikibaka.  Karapat-dapat lamang malathala ang mga ito at mabasa ng higit na nakararami.  Ito’y mga testamento ng kanilang pagiging malikhain at mapanuri sa lipunang ginagalawan. Ito ang kanilang pamana.

Hindi namin aasahang magustuhan mo ang mga akdang naririto.  Gayunman, inaasahan naming manamnam mo sa kaibuturan ng iyong puso’t isipan ang mga katotohanang inilalarawan ng bawat akda at maibahagi rin ito sa iba. Maraming salamat.

Sampaloc, Maynila
Nobyembre 14, 2007