Linggo, Disyembre 17, 2006

Maso 1

Paunang-Salita
ni Gregorio V. Bituin Jr.,
Editor at Tagapangasiwa ng Buong Aklat

Ang bawat likhang akda ay sadyang pinagbuhusan ng panahon at isip ng isang mangangatha. Maraming mga manunulat sa kilusang paggawa ang may sariling likhang mga tula, dula, sanaysay o kaya’y maikling kwento kung saan inilalarawan nila ang kabulukan ng sistema ng lipunan, ang kalagayan ng mga api, ang kanilang adhikaing pagbabago, maging kanilang personal na hinanakit sa sistema ng lipunan, pati na pag-ibig at pakikibaka. 

Bawat akda’y makabuluhan, sadyang pinag-isipan at kapupulutan ng mga aral na maaaring magamit sa pakikipagtunggali laban sa mga mapagsamantala sa lipunan. Ang mga akdang ito’y hindi dapat anayin sa baul o maitago na lamang habampanahon. Ito’y dapat ipabasa sa kasalukuyan at susunod na salinlahi ng mga aktibista, manggagawa, maralita, magsasaka, kabataan, kababaihan, manininda, at iba pang sektor. Ito ang dahilan kung bakit nararapat itong maisalibro bilang testamento ng pananaw at damdamin ng kasalukuyang henerasyon hinggil sa usaping panlipunan. Layunin ng Unang Labas ng MASO: Panitikan ng Uring Manggagawa na masimulan ang pagtitipon taun-taon ng mga akdang likha ng mga manggagawa, maralita, kababaihan, kabataan, magsasaka, at iba pang sektor sa ating lipunan. 

Bagamat layunin din nito na malibang ang mga mambabasa, ito’y higit pa pagkat inilalarawan dito ang tunay na mga saloobin ng mga may-akda at makata sa mga pangyayari sa kanyang paligid.

Ang ilan sa mga koleksyong narito ay tinipon mula sa mga babasahin ng iba’t ibang organisasyon, tulad ng magasing Maypagasa ng Sanlakas, publikasyong Taliba ng Maralita ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML), magasing Tambuli ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), pahayagang Tinig ng ZOTO ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Bukas-Isip ng grupong Teatro Pabrika, pahayagang Obrero, at sa pahayagang Komyun na aking pinamamatnugutan. Ang ilan dito’y nalathala sa The Featinean, ang opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng FEATI University, habang ang ilan naman sa mga akda ay dito lang unang nalathala.

Hindi namin aasahang magustuhan mo ang mga akdang naririto. Ang inaasahan namin ay manamnam mo sa kaibuturan ng iyong puso’t isipan ang mga katotohanang inilalarawan ng bawat akda. Maraming salamat.

Sampaloc, Manila
Mayo 1, 2006