Huwebes, Nobyembre 30, 2006

Asin sa Sugat

PAUNANG SALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ASIN SA SUGAT NG ATING KALAMNAN

Noong 1994, naglabas ng album ang sikat na mang-aawit na si Heber Bartolome ng Banyuhay na pinamagatan niyang “Kalamansi sa Sugat”. Marahil ang pamagat na ito ay hinango niya sa sikat na korido ng ating bayan, ang “Ibong Adarna” na sa haka ng ilang makata ay si Huseng Sisiw na guro ni Balagtas ang siyang may katha.

Isinalaysay sa koridong iyon ang pagkakasakit ng amang hari, at ang tanging makagagamot lang dito ay ang awit ng Ibong Adarna. Kaya’t ang tatlong anak na prinsipe ng hari ay isa-isang naglakbay sa isang malayong Bundok ng Tabor upang hulihin ang Ibong Adarna. Ang naunang dalawang prinsipe, sina Don Pedro at Don Diego, ay naging bato ang maiputan ng Ibong Adarna matapos itong umawit at makatulog ang dalawang prinsipe. Ayon pa sa kwento, hindi mabuti ang ipinakita nilang ugali sa harap ng matandang namalimos sa kanila. Nang di makarating ang dalawang kapatid, naglakbay na rin ang bunsong si Don Juan papuntang Tabor, at binigyan niya ng tinapay ang matanda kahit na siya’y magutom. Dahil dito, pinayuhan siya ng matanda kung paano mahuhuli ang Ibong Adarna. Pinayuhan siyang puntahan ang isa pang matanda na nakaaalam kung paano mahuhuli ang mahiwagang ibon. Binigyan siya nito ng maliit na punyal at pitong dayap o kalamansi na katumbas ng pitong awit ng Ibong Adarna. Sa bawat awit ng ibon, dapat niyang hiwaan ang kanyang bisig at pipigaan ng dayap ang sugat upang manatiling gising. Gayon nga ang ginawa ni Don Juan kaya niya nahuli ang Ibong Adarna, at nailigtas pa ang dalawang kapatid nang buhusan niya ng mahiwagang tubig ang dalawang batong naroon sa puno ng Piedras Platas.

Marami nang sugat ang ating bayan, ngunit marami ang nagwawalang-bahala na lamang. Nagpipilit huwag makialam, matutulog na lamang at magbubulag-bulagan, kahit alam nilang marami nang di magandang nangyayari sa kanyang kapaligiran, lalo na sa ating bayan at sa daigdig.

Tulad ng dayap na piniga upang manatiling gising, ang kalipunang ito ng mga sanaysay ay nilikha sa panahong matindi ang pulitikal na sitwasyon sa bansa, sa kapitalistang lipunan, sa komunidad ng maralita, sa mga nangyayari sa mga manggagawa’t mamamayan, kung saan hindi kinakailangang magpatulog-tulog sa pansitan. Kaygaganda ng awit ng globalisasyon at ng sistemang umiiral, ngunit para lang pala ito sa iilan, hindi para sa buong sambayanan. Ang serbisyong para sa mamamayan ay ginawang negosyo para pagtubuan ng iilan. Patuloy na pahihirapan ng globalisasyon ang mga manggagawa’t mamamayan. Hindi ito isang lipunang makatao, kundi lipunang makakapitalista’t elitista. Inietsapwera ng sistemang ito ang mayorya ng mamamayan. Kaya kailangan nating manatiling gising. Hindi lamang simpleng dayap ang ating ipipiga sa sugat kundi asin. Ang “asin sa sugat” ay isang metapora. Ang asin ay simbolo ng buhay, habang ang sugat ay simbolo ng sakit, karamdaman, kabiguan o kamatayan.

Mararamdaman ng sinuman ang hapdi kapag binudburan ng asin ang kanyang sugat, ngunit kahit antok na siya’y mananatili siyang gising. Tulad din ng mga nagaganap sa ating lipunan, kahit na tayo’y pagod na at ang talukap sa mata’y pumipikit na, magpapahinga lang tayo ng ilang saglit upang makabawi ng lakas, ngunit hindi tayo magpapatulog-tulog habang marahas na nagaganap ang paninibasib ng mga pang-aapi’t pagsasamantala sa ating bayan. Hindi tayo matutulog o kaya’y magbubulag-bulagan. Gigising tayo’t babangon upang tiyaking isang lipunang makatao ang umiiral.

Kung kinakailangang budburan ng asin ang ating mga sugat, gawin natin upang manatiling gising. Huwag nating hintaying sa ganda ng awit ng globalisasyon ay durugin nito ang mamamayan at gawing bato ng tuluyan. Huwag nating hayaang mangyari ito.

Ang kalipunang ito ng mga sanaysay ay mga sugat na binudburan ng asin. Masakit. Mahapdi. Ngunit kinakailangan.

Halina’t namnamin natin ang alat ng mga salita’t sugat ng diwa sa kalipunang ito na pinamagatan kong “Asin sa Sugat”.

Sampaloc, Maynila
Nobyembre 30, 2006